Minamahal kong Em

Mario L. Mendez, Jr., born on July 20, 1982 and fondly called Em by fellow writers, friends and family, was an award-winning Filipino playwright. He was the author of the play “Son of Ashes” and the musical “Ang Huling Mambabatok,” which both won Palanca awards in 2013 and 2019, respectively. His book of plays “Anagnorisis: Apat na Dula” was published by the University of Santo Tomas Publishing House in 2017. Mendez earned his Master of Fine Arts in Creative Writing at De La Salle University where he was also a professor. He mentored young scholars at the Buddhist institution Guang Ming College as well. Throughout his writing career, he earned numerous fellowships for playwriting, scriptwriting and poetry. Mendez was also a fervent supporter of human rights causes, participating in protest marches whenever he can, and a generous volunteer in outreach teaching efforts. He was above all an extremely loving son and brother to his family, a most tender partner to his sweetheart, an immeasurably caring friend and colleague, and a beloved teacher to his students. On Aug. 2, 2020, he succumbed to COVID-19, at the age of 38, at the height of his creative career. This immediately led to a great outpouring of grief from fellow Filipino writers, the theater and the academe; the writing below is just one of the many tributes to his kind heart and brilliant life. His works and his love live on.

em mendez silliman by jen balboa
Filipino playwright Em Mendez. Image: INQUIRER.net/Jen Balboa

***

Patawarin mo ako kasi matagal kitang iiyakan. Malamang hangga’t buhay ako at maaalala ka. Luha ng hapis, dahil bakit ganito ka kinuha sa amin, pakiramdam ko’y dinukutan ako ng kapatid, napakalupit at napakasakit.

Luha ng pasasalamat, dahil kahit saan ako lumingon dito sa tinitirhan ko, nakikita ko ang pagmamahal mo. Sa iyo galing ang sofa, mga importanteng librong gabay sa thesis, ‘yung housewarming gift mo na carpet na ayaw kong madumihan kaya tinupi ko lang at ginagamit na throw pillow, at ang mga payo at turo mo sa akin sa kung paano aayusin ang mga muwebles. Anong color scheme ang maganda at bagay sa akin at sa lifestyle ko. Paano ang tamang garbage disposal. Bakit dapat organic na itlog na lamang ang bilhin ko. Bakit kailangan maganda ang kobyertos. Bakit magandang magkurtina. Bakit magandang mag-mood light. Bakit kailangan maganda ang tinitirhan. Bakit mahalagang napaliligiran tayo ng kagandahan.

Em Mendez’s play “Ang Unang Regla ni John” staged in Virgin Labfest, 2013. Image: INQUIRER.net/Jen Balboa

Siguro kung hindi ka naging manunulat, baka interior designer at decorator ka, o may negosyong may kinalaman sa arts and crafts. Di ko malilimutan ang mga gabi sa apartment mo, tuwing matapos kong makikain. Kung paanong habang nanonood ka ng telenovela, pinanonood din kita. Ikaw na abalang magtuhog ng beads mula sa iyong “craft box” (Ako: Ano ‘yan mother?; Ikaw: It’s my craft box.). Ako naman, abalang inuubos ang ubas at tsokolate mo, tumitingin sa mga nakapaskil mong handmade artworks (‘yung crystal stickers mural mo sa pinto ng CR, ‘yung postcard collage mo ng Broadway playbills sa dingding). Bawat hawakan mo’y gumaganda, Em. Nakikita mo kasing may kagandahan sa lahat.

Alam na ng lahat ang husay mo sa pagsulat at ang dedikasyon mo sa pagtuturo, at mapalad kaming lahat na saksi dyan. Ngunit sa akin, bukod sa lahat ng ‘yan, ang pinakamahal ko tungkol sa iyo ay ang pagkalinga mo. Alam mong dito ako laging gutom, at ikaw nama’y mapagmahal na nagbigay. Hindi kita dugo pero tinuring mo akong tunay na kapatid. Tinatawag mo sa unit mo para ipagluto ng sopas tuwing may sakit ako. Tinatawag kung gusto kong makinood ng musical o romcom. Tinutulungan akong ubusin ang ice cream o pizza tuwing mayroon akong craving, kahit oras na ng pagtulog n’yo ni JD. At pinagkakatiwalaan ng susi ng tirahan n’yo kung may kailangan i-check ng biglaan. Ako ang pinakamaligayang third wheel sa balat ng lupa tuwing kasama ko kayo ni JD sa ating apartment building noon sa Malate. Napakasaya kong makasama kayong mamuhay.

Napakapalad kong nakasama ka sa buhay.

Em Mendez’s musical play, “Ang Huiing Mambabatok,” staged in De La Salle University by the Harlequin Theater Guild, 2018. Image: INQUIRER.net/Jen Balboa

Napakaraming kwento, mother Em, hindi sapat ang espasyo na ito, at hindi rin kaya ng puso ko ngayon, bugbog na din ang mga mata ko kakaiyak. Kulang ang isang buong libro para lamang sa pagbahagi ng pang-araw-araw na kabutihan mo, ng pagmamahal mong di masusukat.

Ang pangarap ko’y magkaroon ang mga kasama mo sa akademya at teatro ng retrospective ng mga dula mo, pagkatapos ng malupit na panahong ito. Manonood akong muli. Gusto kong makita muli ang musical mo kay Whang Od, at panonoorin ang mga di ko pa napanood (‘yung musical mo ng “Maynila sa mga Kuko ng Liwanag,” pinagsisisihan kong di ko nakita dahil sa trabaho, malamyang palusot, pero pangakong babawi ako). Asahan mong hetong kaibigan mong nuknukan ng iyakin ay luluha nanaman ng walang humpay, kahit ‘yung “Barbie Girls” mo pa ang isalang.

Em Mendez with his student scholars at Guang Ming College. Image: INQUIRER.net/Jen Balboa

Sige Em, mahal kong Em, magkikita pa tayong muli, magkakasamang muli. Nagkataon lang sigurong may mga kailangan pang trabahuhin. Pangakong hangga’t nabubuhay ako, buhay ang alaala mo, ang kabutihan mo. Aalagaan namin si JD, at patuloy ko pa rin s’yang kukulitin para kumain ng ice cream (di ko kakalimutan ang bilin mo: ayaw n’ya ng flavor na avocado, gusto n’ya coffee). Aalagaan namin ang isa’t isa, kaming mga kapatid mo sa panulat. Tandang-tanda ko kung paano mo idinipa ang mga braso mo kaharap kami at sinabing “This is love!” noong mga panahong marami sa amin ang naghahanap pa ng pag-ibig. Tama ka, Em. Iyon nga ay pag-ibig. At pag-ibig ka namin.

Hindi rito nagtatapos ito. Aalagaan ko ang mga alaala mo. Paulit-ulit na aawitin. NVG

RELATED STORIES:

Whang Od – Nangarap. Umibig. Nagpursigi.

Augie Rivera on how telling painful truths through children’s books can help make a better world

Likhaan 11, or why we must start this year reading Philippine literature

 

Read more...