Ang Pahayagang Plaridel ng DLSU, idaraos ang BayLayn 2018 para sa responsableng pamamahayag

Inihahandog ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), opisyal na publikasyong pang-mag-aaral ng Pamantasang De La Salle, ang Para sa Bayan at Lasalyano (BayLayn) 2018. Idaraos ito sa ika-17 ng Pebrero, simula 6:30 ng umaga hanggang 5:30 ng hapon sa Pamantasang De La Salle, Taft Avenue, Malate, Manila. Bitbit nito ang temang, “Responsableng pamamahayag sa makabagong mundo, susi sa pagkakaisa ng sambayanan.” Sa ika-14 taong paglulunsad ng BayLayn, patuloy na nilalayon ng APP na palawagin ang kakayahan ng kabataan sa pamamahayag sa pamamagitan ng pagasasagawa ng journalism workshop at competition.  Maaari itong daluhan ng mga estudyante sa sekondarya at tagapayo mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan.  

Kaugnay ng mga nasabing aktibidad, magkakaroon ng pitong pangunahing workshop at kompetisyon ang BayLayn 2018: pagsulat ng artikulong pambalita, pagsulat ng artikulong pampalakasan, pagsulat ng artikulong lathalain, pagsulat ng editoryal, pagguhit ng dibuhong pang-editoryal, pagkuha ng larawan, at pag-uulo at pagwawasto ng balita. Para sa kompetisyon, maaari lamang magpadala ng hanggang sa dalawang kalahok ang bawat publikasyon sa bawat kategorya. Sa kabilang banda, magkakaroon din ng dalawang pangunahing workshop ang event, ang Big Talk #1 at Big Talk #2.

Inaasahan ng Plaridel na magsisilbing tulay ang BayLayn 2018 sa paghimok sa mga kalahok na pumiglas para sa katotohanan. Sa tulong ng sumusunod na major sponsors –  Absolute Sales Corporation, BIC Stationery, at Trampoline Park Manila  – maisasakatuparan ng APP ang pagbibigay-pagkakataon sa campus journalists na paigtingin at palawakin ang kanilang kaalaman sa pamamahayag.

Tunay na makabuluhan ang mga gawaing handog ng BayLayn 2018 sa mga kalahok nito. Tiyak itong mag-iiwan ng magandang karanasan at magpapalawak sa kaisipan ng marami lalong-lalo na sa mga usaping panlipunan. Para sa karagdagang impormasyon at mga update, bisitahin ang aming Facebook page: https://www.facebook.com/baylayn/ at https://www.facebook.com/plaridel.dlsu/

Read more...